MABUTI AT HINDI MAGANDANG DULOT NG PAGPAPAUTANG SA KAIBIGAN AT KAMAG-ANAK
Normal sa lahat ng tao ang magipit sa buhay, lalo na sa pinansiyal na aspeto nito. Wala sigurong tao ang puwedeng magsabi na kahit minsan ay hindi siya nagipit sa pera. Lahat tayo siguradong dumaan diyan, maliit man o malaking halaga. Sa ganitong mga pagkakataon ay hindi natin maiiwasan na lumapit sa ating mga kaibigan o kamag-anak upang humingi ng tulong, at karamihan naman dito ay napagbibigyan, dahil likas sa ating mga pilipino ang pagiging matulungin.
Gumagaan ang ating kalooban kapag tayo ay napaboran at natulungan ng isang tao. Sa mga ganitong pagkakataon ay nasusubok mo ang mga taong handang magtiwala at tumulong sayo. Subalit ito rin minsan ang mga dahilan ng ilang samaan ng loob sa pagitan ng magkaibigan at magkamag-anak.
Bakit nga ba ito nangyayari at pano ito maiiwasan??? Ano ano ang mga PROS and CONS ng pagpapautang sa kaibigan at kamag-anak???
PROS:
▪️ Magaan sa loob ang tumulong sa lahat ng taong nangangailangan lalo na kung ito ay emergency.
▪️ Dito ay naipapakita mo sa kanila na ikaw ay isang tunay na kaibigan o kamag-anak na handang magtiwala at tumulong sakanila.
▪️ Ikaw ay maaaring may naisalbang buhay, trabaho, negosyo o pag-aaral ng isang tao.
▪️ Ikaw ay nakatulong sa mga taong nagugutom at magugutom.
▪️ Siguradong ang lahat ng kabutihan natin sa kapwa ay may kapalit na GOOD KARMA para sa iyo.
CONS:
▪️ Mas mahirap maningil sa kaibigan at kamag-anak dahil ikaw ay mahihiya. Ayaw mong masamain nila ang iyong paniningil.
▪️ Kapag sila ay nakiusap sayo, maaring hindi mo maiwasan na hindi sila pagbigyan.
▪️ Kadalasan ang mga pagkakautang na ito ay tumatagal bago mabayaran dahil minsan iniisip nila na sila ay palagi mong maiintindihan.
▪️ Kapag dumating ang panahon na ikaw naman ang nangailangan ng tulong at hindi ka nila napagbigyan, hindi mo maiiwasan na malungkot o sumama ang loob, dahil kahit papano inaasahan mong ibabalik nila sayo ang lahat ng pagtulong at kabutihan na nagawa mo sakanila.
▪️ Kapag sila ay pinilit mong singilin at nagkaroon ng pressure sa magkabilang panig, hindi maiiwasan ang makapagbitaw ng mga salitang hindi maganda at magkasumbatan. At kapag dumating ang pagkakataon na ito, ikaw ay maaaring mawalang ng isang kaibigan o kamag-anak ng dahil sa pera.
Pano mo maiiwasan ang ganitong sitwasyon at samaan ng loob sa pagitan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak?
Para sa magpapautang:
▪️ Suriin ang kakayahan nila na makapagbayad.
▪️ Tumulong kung alam mong ito ay hindi makakagipit din sa iyo.
▪️ Ibigay lamang ang halagang bukal sa iyong loob na nakahanda kang ibigay na lamang kung sakaling ito ay hindi na maibalik sayo.
▪️ Magbigay lamang kung ikaw ay may sobrang pera na naitatabi.
▪️ Bigyan ng limitasyon ang pagtulong. Kung sila ay may kasalukuyan pang pagkakautang sayo, hanggat maari ay huwag muna itong dagdagan. Ipaliwanag mo sakanila na mas lalo sila mahihirapan makapagbayad kapag ito ay patuloy na lumaki.
▪️ Ihanda ang iyong sarili sa mga hindi inaasahang sitwasyon at pangyayari na maaring dahilan para ikaw hindi mabayaran sa tamang oras.
▪️ Huwag magpadala sa pressure upang hindi makapagsalita ng hindi maganda.
▪️ Maging mapagparaya ngunit huwag magpaabuso upang hindi abusuhin.
Para naman sa mga mangungutang:
▪️ Huwag mangutang para sa isang bagay o luho na hindi naman importante.
▪️ Mangutang lamang ng halaga na sigurado kang kaya mong mabayaran sa petsa na napagkasunduan.
▪️ Sa pagkakataon na ikaw ay hindi talaga makakapagbayad sa takdang araw, sabhin ito ng mas maaga upang hindi nila ito asahanan at makapag adjust ang kabilang partido sa kung anuman ang mga plano nila.
▪️ Maging totoo sa iyong mga dahilan at rason.
▪️ Magkaroon ng isang salita. Huwag paasahin sa wala ang taong inutangan. Sabihin kung ano talaga ang iyong totoong sitwasyon upang ikaw ay mas maintindihan nila.
▪️ Huwag gawing dahilan ang iyong pagiging kaibigan o kamag-anak upang isipin na ikaw ay palagi nilang maiintindihan at mapagbigyan.
▪️ Maging mapagkumbaba ngunit wag magpapalait.
▪️ Huwag umabuso.
▪️ Magbayad.
Ang pera ang nagpapaikot at bumubuhay sa tao sa panahon ngayon, ngunit ito rin minsan ang dahilan ng paghinto at pagkamatay ng isang samahan bilang magkaibigan o magkamag-anak. Tao lamang tayo, may mga sitwasyon at emosyon na hindi natin napipigilan kung minsan pero huwag natin hayaang masira tayo ng dahil dito. Madali kitain ang pera, subalit ang tiwala ng isang tao ay mahirap makuha. Kapag ito ay nawala, mahirap na itong ibalik.
Comments
Post a Comment